Pumunta sa nilalaman

Pangkat-etniko

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Pangkát-étnikó (isinusulat din nang walang gitling) o etnisidád ang tawag sa pangkat ng taumbayan na may pare-parehong pagkakakilanlan batay sa mga matutukoy na katangian na naghihiwalay sa kanila sa ibang mga pangkat. Kabilang sa mga katangiang ito ang magkaparehong mga ninuno, tradisyon, lipunan, relihiyon, at kasaysayan. Napapanatili ang mga ito sa pamamagitan ng matagal-tagal na endogamya (pagpapares sa katulad ng pangkat-etniko) at maaaring magtaglay ang mga ito ng isang napakatiyak na henetikal na ninuno, bagamat meron ding mga pangkat-etniko na may magkakahalong ninuno. Itinuturing din ito paminsan-minsan bilang kasingkahulugan ng sambayanan o bansa lalo na sa konteksto ng etnikong nasyonalismo, gayundin sa lahi, bagamat hindi lahat ng nasa isang pangkat-etniko ay magkapareho palagi ng lahi.

Sa pamamagitan ng asimilisasyon, akulturasyon, amalgamasyon, pagbabago ng wika, kasal, pag-aampon, at pagpapalit ng relihiyon, maaaring magbago kalaunan ang pangkat-etniko ng mga indibiduwal o pangkat. Maaari itong mahati sa mga subpangkat o tribo, na maaari ding humiwalay kalaunan dahil sa endogamya o heograpiya. Sa kabilang banda, maaari namang magsama ang dalawang pangkat-etniko at bumuo ng isang panetnisidad na kalauna'y maaaring humantong sa tuluyang pagsasama ng dalawa (kagaya sa mga lugar na itinuturing na melting pot) sa prosesong tinatawag na etnohenesis.

May mga teorya na inilatag ang mga siyentipiko ukol sa pagkakaroon ng mga etnisidad. Dalawa sa mga ito ang nananaig: primordialismo at konstruktibismo. Tinitingnan sa pananaw ng primordialismo ang mga pangkat-etniko bilang mga likas na penomenang umuusbong sa mga matatalinong hayop. Gayunpaman, sa modernong panahon, tinitingnan na ito bilang mga panlipunang gawa simula noong dekada 1960s.

Direktang salin ang pangkat-etniko mula sa wikang Ingles na ethnic group. Nagmula naman sa Espanyol na étnico ang salitang etniko, at etnicidad naman sa etnisidad.[1] Pare-parehong itong nanggaling sa Griyego na ethnos sa pamamagitan ng anyong pang-uri nito na ethnikos, na siyang hiniram naman ng wikang Latin na ethnicus na siyang hiniram naman ng mga modernong salita.[2] Pinakamalapit na salitang Tagalog ang katutubo o lahi, bagamat hindi ito eksaktong naglalarawan nang buo sa naturang konsepto.[3]

Hanggang noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, tumutukoy sa mga wika sa Europa ang salitang etniko upang ilarawan ang mga taong hindi Kristiyano o hindi nasasakupan ng impluwensiya ng Kristiyanismo, partikular na sa mga bansang itinuturing na mga pagano base sa salin sa Griyego ng Septuagint na ta ethne (lit. na'mga bansa') para sa Hebreo goyim, na nangangahulugang "mga dayuhang bansa na hindi Hebreo o Hudyo". Gayunpaman, ginagamit ang naturang kataga sa sinaunang Griyego upang tumukoy sa kahit anong malalaking grupo, mapatao man o hayop. Sa klasikong Griyego unang lumitaw ang kataga sa kahulugang halos katulad ng pangkat-etniko sa modernong panahon at madalas sinasalin bilang "bansa". Pagsapit ng helenistikong Griyego, nagsimula itong tumukoy sa mga dayuhang bansa, partikular na sa mga itinuturing bilang "barbaro".[4]

Nagsimula ang pag-aaral sa mga pangkat-etniko noon pang klasikong panahon sa Europa kasabay ng pag-aaral sa kasaysayan. Pinasimulan ng mga may-akdang Griyego tulad nina Anaksimandro at Herodoto ang dalawang pag-aaral sa sinaunang mundo noong 480 BKP. Ang mga Griyego mismo ang unang nagpaunlad sa konsepto ng kanilang pangkat-etniko. Nang-aalipin lamang sila ng mga hindi Griyego bunsod ng kanilang etnikong nasyonalismo, liban sa ilang mga grupo kagaya ng sa Masedonya na pinamumunuan sa paraang hindi Griyego, at ng Sparta na may kakaibang paraan ng pamumuno.[5] Pinaniniwalaan nila na mas mataas pa rin kesa sa mga barbaro ang kanilang pinakamabababang uri; halimbawa, inilarawan ni Aristoteles sa Politika ang mga barbaro bilang mga "likas na alipin" kumpara sa mga Griyego. Binigay naman ni Herodoto ang mga salik sa pagiging Griyego: magkaparehong pinagmulan, wika, paniniwala, at tradisyon.[6] Gayunpaman, hindi lahat ng mga Griyego ay pabor sa salik ng dugo, kagaya ni Isokrates, na naniniwalang kabilang sa mga maituturing na Griyego ang mga taong katulad ng kultura.[7]

Nakadepende sa kahulugan kung mapapabilang ba sa pangkalahatang kultura ang konsepto ng etnisidad. Marami sa mga siyentipiko kagaya nina Fredrik Barth at Eric Wolf ang hindi naniniwalang kabilang ito. Ayon sa kanila, resulta ang etnisidad ng interaksyon sa loob ng ilang partikular na uri ng mga grupo, hindi bilang katangiang matatagpuan sa sangkatauhan sa pangkalahatan.[8]

Ayon kay Thomas Hylland Eriksen, may dalawang pangunahing isyu ang pinagdedebatehan hanggang kamakailan lamang ukol sa pag-aaral sa etnisidad:

  • una, sa pagitan ng pananaw na primordialismo, na naniniwalang nabubuo ang mga pangkat-etniko bunsod ng panlipunang kaugnayan at interaksyon,[9] at instrumentalismo, na naniniwala naman na isang instrumento ang etnisidad sa politika at pagkamit ng mga layuning tulad ng kapangyarihan o yaman.[10]
  • ikalawa, sa pagitan ng pananaw na konstruktibismo, na naniniwalang resulta ang etnisidad ng mga pinagpatong-patong na pagkakakilanlang nabuo sa paglipas ng panahon,[11] at esensiyalismo, na naniniwala namang pawang mga ontolohikal na kategorya ang etnisidad na siyang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa isang indibiduwal.[12]

Ayon kay Eriksen, naungusan ang mga debateng ito, lalo na sa antropolohiya, ng pagtugon ng mga iskolar sa paghahalo ng politika sa pagkakakilanlan ng mga pangkat-etniko at bansa. Ilan sa mga halimbawa nito ang isyu ng multikulturalismo sa mga bansang may malaking migranteng populasyon kagaya ng Estados Unidos, at ang isyu sa poskolonyalismo sa mga bansa sa Karibe at Timog Asya.[13]

Itinuturing ni Max Weber ang etnisidad bilang isang künstlich (gawa-gawa, panlipunang gawa) dahil nakabatay ito sa paniniwala sa isang magkakaugnay na Gemeinschaft (pamayanan). Hindi nagawa ang grupo dahil sa paniniwala sa naturang pamayanan; nagawa ang paniniwala ng grupo. Dagdag pa niya, nabubuo ang mga grupo dahil sa layunin na makuha ang lahat ng kapangyarihan at katayuan. Iba ang pananaw na ito ni Weber sa nananaig na pananaw noong panahon niya, na naniniwala na likas na konsepto ang etnisidad na nakabase sa mga katangiang namamana mula sa isang karaniwang ninuno na noo'y tinatawag na "lahi".[14] Sumasang-ayon sa ideyang ito si Fredrik Barth, na pinalawak pa nang husto ang pananaw ni Weber sa pagpapakilala sa ideya ng nagbabagong etnisidad bilang resulta ng pagkakakilanlan ipinapakita sa iba at sa pansariling pagkakakilanlan sa isang pangkat-etniko.[15]

Pinag-iingat ng ilang mga antropologo kagaya ni Ronald Cohen laban sa pagtutukoy ng mga tagalabas sa mga pangkat-etniko. Ayon sa kanya, maaaring iba ang pananaw ng mga tagaloob ukol sa mga katangiang kinakailangan upang masabing kasapi sa kanilang grupo mula sa pananaw ng mga tagalabas.[16] Ayon kay Paul James, nababago o di kaya'y nasisira ng kolonisasyon ang pagkakaroon ng pagkakakilanlan, ngunit hindi galing sa wala ang mga ito. Aniya:

Palaging puno ng tensiyon at kontradiksiyon ang kahit anong pagkakategorya sa pagkakakilanlan kahit na nakataga na sa bato ang mga ito dahil sa kolonisasyon, pagbubuo ng bansa, o modernisasyon sa pangkalahatan. Minsan, mapanira ang mga kontradiksiyon na ito, pero maaari din itong maging maganda at positibo.[a]

Samantala, kontra naman sa ideya ng pagpapalawak ng kahulugan ng etnisidad ang ilang mga iskolar kagaya ni Kanchan Chandra, na naniniwala sa isang mahigpit na kahulugan ng mga kategoryang nakabase sa isang magkaugnay na paniniwala sa iisang pinagmulan.[18] Sang-ayon sa ideyang ito si Jóhanna Birnir, na naniniwala sa etnisidad bilang isang pagkakakilanlang mula sa paniniwala sa isang katangiang hindi o mahirap mabago kagaya ng wika, lahi, o lugar.[19]

Maraming pananaw ang inilatag ng mga siyentipiko ukol sa kalikasan ng etnisidad bilang isang salik sa pamumuhay at lipunan. Ayon kay Jonathan M. Hall, isang mahalagang pangyayari sa pag-aaral ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil umiwas ang mga siyentipiko sa esensiyalistang pananaw sa mga pangkat-etniko at lahi bunsod ng rasismo ng mga Nazi. Sa modernong panahon, tinitingnan ang etnisidad bilang nagbabago at hindi nakataga sa bato, na resulta ng panlipunang gawa at hindi ng henetika.[20]

Ilan sa mga pananaw ang primordialismo, perenyalismo, at konstruktibismo.

  • Ipinagpapalagay sa primordialismo na likas sa tao ang etnisidad na siyang pinagpapatuloy ng mga modernong pangkat-etniko. Naiuugnay ang mga ito sa ideya ng mga bansa, at nagmula sa mga pananaw na nag-uugnay sa etnisidad sa biolohiya at kadugo.
    • Sa esensiyalistang pananaw, isang katotohanan sa simula pa lang ang pagkakaroon ng etnisidad ng mga tao bago pa man nabuo ang mga pinakaunang lipunan. Sa pananaw na ito, tinitingnan ang mga pangkat-etniko bilang likas at hindi lamang resulta ng kasaysayan.[21]
    • Samantala, tinitingnan naman sa isang baryasyon ng pananaw na ito ang mga pangkat-etniko bilang karugtong ng kamag-anakan at kadugo kung saan kultura ang tinitingnang basehan ng pagiging kabilang sa grupo.[21]
    • Ayon naman sa antropologong si Clifford Geertz, hindi likas sa tao ang etnisidad ngunit nagmumukhang likas ito dahil kasama ito sa karanasang nararanasan nila sa mundo.[21]
  • Sa perenyalismo, tinitingnan ang pangkat-etniko at bansa bilang magkaparehong konsepto. Kalimitan itong ginagamit sa konteksto ng mga bansa, na tinitingnan bilang isang organisasyong politikal na may mahabang buhay.[22]
    • Tinitingnan sa habambuhay na pananaw na may mga pangkat-etniko na patuloy na nabubuhay sa paglipas ng panahon.
    • Ayon sa isang pananaw, nagbabago, lumilitaw, at naglalaho ang mga pangkat-etniko sa paglipas ng panahon.
    • Isang instrumento naman ang tingin ng isang pananaw sa mga pangkat-etniko na siyang ginagamit sa pagkakaroon ng katayuang panlipunan.[23]
  • Sa konstruktibismo, ipinagpapalagay na ang mga pangkat-etniko ay resulta ng interaksyon ng mga lipunan kaya tinitingnan ito bilang isang panlipunang gawa. Kumokontra ang pananaw na ito sa ideya na likas sa tao ang etnisidad.[24]
    • Ayon sa mga modernistang pagtingin sa pananaw, ang ideya ng etnisidad at mga mapagkukunan ng maipagmamalaking bagay para sa pangkat-etniko tulad ng nasyonalismo ay pawang mga modernong imbensiyon.[25]
  1. Orihinal na sipi: Categorizations about identity, even when codified and hardened into clear typologies by processes of colonization, state formation or general modernizing processes, are always full of tensions and contradictions. Sometimes these contradictions are destructive, but they can also be creative and positive.[17]
  1. Almario, Virgilio, pat. (2010). "etniko". UP Diksyonaryong Filipino (ika-2 (na) labas). Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng Pilipinas–Diliman Sentro ng Wikang Filipino. Nakuha noong 15 Setyembre 2025 – sa pamamagitan ni/ng Diksiyonaryo.ph.
  2. Liddell, Henry George; Scott, Robert (1940) [1846]. "ethnikos" ἐθνικός. Mula sa Jones, Henry Stuart (pat.). A Greek-English Lexicon [Leksikon sa Griyego-Ingles] (sa wikang Ingles) (ika-9 (na) labas). Oxford: Clarendon Press. ISBN 9780198642268. Nakuha noong 15 Setyembre 2025 – sa pamamagitan ni/ng Perseus by Tufts University.
  3. "Pareho ba ang Etnisidad at Lahi? Tuklasin ang 7 pangunahing pagkakaiba". Ancestrum. 17 Pebrero 2023. Nakuha noong 15 Setyembre 2025.
  4. Liddell, Henry George; Scott, Robert (1940) [1846]. "ethnos" ἔθνος. Mula sa Jones, Henry Stuart (pat.). A Greek-English Lexicon [Leksikon sa Griyego-Ingles] (sa wikang Ingles) (ika-9 (na) labas). Oxford: Clarendon Press. ISBN 9780198642268. Nakuha noong 15 Setyembre 2025 – sa pamamagitan ni/ng Perseus by Tufts University.
  5. Rosivach, Vincent J. (1999). "Enslaving "Barbaroi" and the Athenian Ideology of Slavery" [Pang-aalipin sa mga "Barbaroi" at ang Ideolohiyang Atiko sa Pang-aalipin]. Historia: Zeitschrift für Alte Geschichte (sa wikang Ingles). 48 (2): 129–157. ISSN 0018-2311. JSTOR 4436537.
  6. Leoussi, Athena S.; Grosby, Steven (2006). Nationalism and Ethnosymbolism: History, Culture, and Ethnicity in the Formation of Nations [Nasyonalismo at Etnosimbolismo: Kasaysayan, Kultura, at Etnisidad sa Pagbubuo ng mga Bansa] (sa wikang Ingles). Edinburgh University Press. p. 115.
  7. Isocrates. "50". Panegyricus (sa wikang Ingles). Sinalin ni George Norlin.
  8. "Challenges of measuring an ethnic world" [Mga hamon sa pagsukat sa mundong etniko]. Publications.gc.ca (sa wikang Ingles). The Government of Canada. 1 Abril 1992. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Setyembre 2016.
  9. Geertz, Clifford, pat. (1967). Old Societies and New States: The Quest for Modernity in Africa and Asia [Mga Lumang Lipunan at Bagong Estado: Para sa Modernisasyon sa Aprika at Asya] (sa wikang Ingles). New York: The Free Press.
  10. Cohen, Abner (1974). Two-Dimensional Man: An essay on power and symbolism in complex society [Dalawang Dimensiyong Tao: Isang sanaysay sa kapangyarihan at simbolismo sa komplikadong lipunan] (sa wikang Ingles). London: Routledge & Kegan Paul.
  11. Gellner, Ernest (2006) [1983]. Nations and Nationalism [Mga Bansa at Pagkamakabansa] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Blackwell. ISBN 9781405134422.
  12. Smith, Anthony (1991). National Identity [Pambansang Pagkakakilanlan] (sa wikang Ingles). University of Nevada Press. ISBN 9780874172041.
  13. Eriksen, T. H. (2001). "Ethnic identity, national identity and intergroup conflict: The significance of personal experiences" [Etnikong pagkakakilanlan, pambansang pagkakakilanlan, at hidwaan sa grupo: Ang kahalagahan ng personal na karanasan]. Mula sa Ashmore; Jussim; Wilder (mga pat.). Social identity, intergroup conflict, and conflict reduction [Panlipunang pagkakakilanlan, hidwaan sa grupo, at pagpapahupa ng hidwaan] (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. pp. 42–70.
  14. Banton, Michael (2007). "Weber on Ethnic Communities: A critique" [Si Weber ukol sa mga Pamayanang Etniko: Isang Kritik]. Nations and Nationalism (sa wikang Ingles). 13 (1): 19–35. doi:10.1111/j.1469-8129.2007.00271.x.
  15. Barth, Fredrik (1969). Ethnic Groups and Boundaries: The Social Organization of Culture Difference [Mga Pangkat-etniko at Hangganan: ang Panlipunang Organisasyon ng Pagkakaiba sa Kultura] (sa wikang Ingles). Little, Brown. pp. 9–10. ISBN 978-0-316-08246-4.
  16. Cohen, Ronald (1978). "Ethnicity: Problem and Focus in Anthropology" [Etnisidad: Problema at Pokus sa Antropolohiya]. Annual Review of Anthropology (sa wikang Ingles). 7. Palo Alto, Estados Unidos: Stanford University Press: 383–384. doi:10.1146/annurev.an.07.100178.002115.
  17. James, Paul (2015). "Despite the Terrors of Typologies: The Importance of Understanding Categories of Difference and Identity" [Kahit sa Kilabot ng Tipolohiya: Ang Kahalagahan ng Pag-unawa sa mga Kategorya ng Pagkakaiba at Pagkakakilanlan]. Interventions: International Journal of Postcolonial Studies (sa wikang Ingles). 17 (2): 174–195. doi:10.1080/1369801X.2014.993332. S2CID 142378403. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Agosto 2021. {{cite journal}}: Cite has empty unknown parameter: |1= (tulong)
  18. Chandra, Kanchan (2006). "What is Ethnic Identity and Does it Matter?" [Ano ang Pagkakakilanlang Etniko at Mahalaga ba Ito?]. Annual Review of Political Science (sa wikang Ingles). 9 (1): 397–424. doi:10.1146/annurev.polisci.9.062404.170715. ISSN 1094-2939.
  19. Birnir, Jóhanna Kristín (2006). Ethnicity and Electoral Politics [Etnisidad at Politika ng Elektoral] (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. p. 66. ISBN 978-1139462600. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Abril 2022.
  20. Konstan, David (1997). "Defining Ancient Greek Ethnicity" [Saklaw ng Etnisidad ng Sinaunang Griyego] (PDF). Diaspora: A Journal of Transnational Studies (sa wikang Ingles). 6 (1). University of Cambridge Press: 97–98. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 17 Abril 2018.
  21. 21.0 21.1 21.2 (Smith 1999, p. 13)
  22. (Smith 1999, 5)
  23. Noel, Donald L. (1968). "A Theory of the Origin of Ethnic Stratification" [Isang Teorya sa Pinagmulan ng Katayuang Panlipunan]. Social Problems (sa wikang Ingles). 16 (2): 157–172. doi:10.2307/800001. JSTOR 800001.
  24. Bobo, Lawrence; Hutchings, Vincent L. (1996). "Perceptions of Racial Group Competition: Extending Blumer's Theory of Group Position to a Multiracial Social Context" [Mga Pananaw sa Kompetisyon ng Grupo ng Lahi: Pagpapalawak sa Teorya ni Blumer sa Posisyon ng Grupo sa Konteksto ng Lipunang may Maraming Lahi]. American Sociological Review (sa wikang Ingles). 61 (6). American Sociological Association: 951–972. doi:10.2307/2096302. JSTOR 2096302.
  25. (Smith 1999, pp. 4–7)
[baguhin | baguhin ang wikitext]