Pumunta sa nilalaman

Gaia (mitolohiya)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Gaia
Si Gaia habang nagmamakaawa sa kanyang mga anak na Higante, mula sa detalye ng isang frieze sa Berlin, Alemanya
Mga pangalanGe
Gaea
Chthon
GriyegoΓαῖα, Γῆ
SimboloPrutas
MagulangWala (Hesiod)[a]
KinakasamaUrano, Ponto, Tartaro
NiluwalUrano, Ponto, mga Ourea, mga Hekatonkheires, mga Ciclope, mga Titan, mga Higante, Nereo, Taumante, Forcis, Ceto, Euribia, Tritopatores, Tifon
Katumbas
RomanoTerra

Sa mitolohiyang Griyego, si Gaia,[b] Gaea,[c] o Gèa ang pagsasatao sa Daigdig. Siya ang ina kay Urano (Kalangitan), kung saan ang pagsasama nila ay nagresulta sa mga Titan, Ciclope, at mga Higante. Siya rin ang ina ni Ponto (Karagatan) at ang pagsasama nila ay nagresulta naman sa mga pangunahing diyos ng karagatan. Si Terra ang katumbas niya sa panteong Romano.

Ang pangalang Griyego na Γαῖα (Bigkas sa Sinaunang Griyego: [ɡâi̯.a] o [ɡâj.ja]) ay ang pampanitikang anyong kolateral sa diyalektong Atiko Γῆ, [ɡɛ̂ː] at Doriko Γᾶ, Ga [ɡâː],[3] na nangangahulugang "Daigdig" at posibleng parehong may kaugnayan sa Δᾶ, Da [dâː]. Naniniwala ang ilang mga iskolar na nagmula ito sa isang di pa tukoy na pinanggalingan.[4] Samantala, iminungkahi naman ni Robert Beekes na nagmula ito sa isang wika o grupo ng mga wika bago umusbong ang Proto-Griyego,[5] o di kaya'y sa Proto-Indo-Europeo na *dʰéǵʰōm ("Daigdig") ayon naman kay M.L. West.[6]

Nagmula naman sa wikang Espanyol ang Gea, na mula sa maagham na pagsasa-Latin na gaea.[7]

Isinasama si Gaia ng mga Griyego sa kanilang mga panunumpa, at pinaniniwalaan nilang nalaalaman niya agad kung sinusuway nila ang kanilang mga panunumpa sa kanya.[8] Madalas siyang lumalabas sa mga panunumpa kagaya sa mga Homerikong panulaan tulad ng Iliad, kung saan inaalayan siya ng isang itim na tupa habang nanunumpa sa kanya. Kinokonsidera ni Homer na merong pisikal na presensiya si Gaia, na hindi maikukumpara sa mga tao. Bihira lamang siya kung kumilos. Halimbawa, sinuntok ni Alpheia ang "kalupaang masagana" (polyphorbos, isang taguri sa kanya), ngunit tinawag nila na lang kalaunan sina Hades at Persephone upang ipaghiganti siya laban sa kanyang anak.[9] Samantala, sa mga tula ni Hesiod, may katawang-tao siya. Malaki ang ambag ni Gaia sa ebolusyon ng mundo. Siya ang tagapag-alaga ni Zeus, at may taguri siya na kourotrophos o "tagapag-alaga ng bata". Nagkatawang-tao din siya sa mga mito ni Erichthonius at Pluto.[10]

Pinaniniwalaan ng mga Griyego noon na patag ang mundo.[8] Iniuugnay ang nimpang si Plataia, na napangasawa ni Zeus, bilang ang diyosa ng kalupaan.[6] Madalas siyang inilalarawan ng mga manunulat bilang may malawak na dibdib kagaya nina Homer at Hesiod, na nagtukoy sa "malawak na kalupaan" (eurysternos) bilang ang siguradong lugar ng mga imortal. Ganito rin ang taguri sa kanya sa kanyang mga kulto sa Delphi at Egeo.[11] Samantala, nagbigay naman ng mas malinaw na paglalarawan ang mga Homerikong himno. Ayon sa mga ito, siya ang ina ng mga diyos na nagbibigay ng buhay at biyaya. Tinatawag siyang pammetor, ang "ina ng lahat na nagpapalaki sa lahat". Ito ang popular na pananaw ukol sa kanya.[8][12] Sa himno para kay Apollo, tinatawag siyang pheresvios o "siyang nagbibigay-buhay", na isa ito sa mga anyo ni Gaia. Ayon kay Pausanias, isa sa mga taguri sa kanya sa Atenas ang "Dakilang Diyosa", na isang apelasyon sa pagiging "ina ng mga diyos". Meron din siyang titulo sa kanyang kulto sa naturang lungsod, themis o katarungan. Makikita si Gaia sa disenyo sa mga plorera sa mga museo bilang "ang nagbibigay", kagaya sa isang plorera sa Britanikong Museo, o bilang "ang pinagmulan", base naman sa paglabas ni Pandora mula sa kalupaan na itinuturing ng mga iskolar bilang si Gaia mismo.[13]

Tumutukoy sa ibabaw ng kalupaan ang tradisyonal na kahulugan ng gaia, habang chthon naman ang tawag sa kailaliman nito. Gayunpaman, minsan ay ginagamit ang dalawa bilang kasingkahulugan. Halimbawa, ginamit ni Pherecydes ang Chthonie bilang pangalan ng sinaunang diyosa na kalauna'y magiging si Ge; ginamit din ni Musaeus ang parehong pangalan para sa diyosa ng orakulo sa Delphi. Samantala, ginamit naman ni Homer ang mga taguri na euryodeia ("malawak na saklaw") at polyvoteira ("siyang nagbibigay-biyaya") para sa chthon, na parehong ginagamit rin sa gaia. Sa ilang mga dula ni Aeschylus, si Gaia mismo si chthon.[6]

Inilalarawan madalas ng mga makata si Gaia bilang ang "ina ng lahat", na nagbibigay ng biyaya at nag-aalaga kaya dapat siyang kilalanin. Sa dulang Malayang Prometeo ni Aeschylus, tinagurian si Gaia bilang ang "ina ng mga ina ng lahat" (pammetor), kagaya rin sa isang bahagi ng dula ni Euripides. Sa Persai ni Aeschylus, inaalay ang mga alay kay Gaia at sa mga espiritung tumatawid sa kabilang-buhay, at tinaguriang "siyang sumasalo" (pamphoros).[6] Sa Choephori, inilarawan ni Electra sa kanyang dasal si Gaia bilang ang "tagatama ng mali". Tinawag naman ni Sophocles si Gaia bilang "siyang nag-aalaga" (pamvōtis).[6] Inilarawan naman sa isang bahagi ng Danaides ang banal na kasal ng kalangitan at kalupaan; tinitingnan sina Ouranus at Gaia bilang mga makapangyarihang diyos ng sansinukob gayundin bilang isang likas na proseso.[14] Sa Chrysippus ni Euripides, itinuturing si Gaia bilang ang ina ng lahat. Sa isang lapida sa Potidaia, nakasulat ang mga katagang "si Eter ang tumatanggap sa kaluluwa at si chthon ang tumatanggap sa katawan". Ayon kay Plutarco, malaki ang respeto ng mga Griyego sa pangalan ni Ge at tradisyonal siyang kinikilala bilang isang diyos.[12]

Ayon sa Teogoniya ni Hesiod, sumunod na lumitaw si Gaia pagkatapos ni Chaos, upang maging ang habambuhay na trono ng mga imortal sa Olympus.[15] Pagkatapos niya, lumitaw naman si Tartarus mula sa kalupaan at si Eros, ang diyos ng pag-ibig.[15] Sinasabing iniluwal niya si Urano (Kalangitan) upang maging kapantay niya at protektahan siya sa lahat ng direksiyon.[16] Ipinanganak din niya ang mga Ourea (Kabundukan) at si Pontus (Karagatan) nang "walang tamis ng pagsasama ng pagmamahal" o sa madaling salita, walang tatay.[17]

Pagkatapos nito, ipinanganak niya ang mga Titan mula kay Urano, na kanyang anak. Inilarawan ito ni Hesiod:

Nakipagtalik siya kay Urano at isinilang sina Oceanus, Coeus at Crius at Hyperion at Iapetus, Theia at Rhea, Themis, at Mnemosyne at amg ginintuang si Phoebe at kaaya-ayang si Tethys. Matapos nila ay isinilang naman si Cronos, ang tuso, pinakabata, at ang pinakamasama sa mga anak niya, na ayaw sa kanyang malibog na tatay.[d]

Ayon kay Hesiod, nagkaroon pa ng mga anak si Gaia kay Urano: ang higanteng may iisang mata na si Ciclopes, gayundin sina Brontes ("Kulog"), Steropes ("Kidlat"), at Arges ("Liwanag").[19] Pagkatapos, ipinanganak naman sina Cottus, Briareos, at Gyges, mga Hekatonkheires na may tig-sandaang braso at limampung ulo.[20] Habang ipinapanganak ni Gaia ang mga ito, itinago ni Urano sila sa isang tagong lugar, na nagpasakit kay Gaia. Bilang higanti, gumawa siya ng isang karit na gawa sa adamantina, na siyang ginamit naman ng anak niyang si Cronus upang kapunin si Urano habang pinipilit nitong makipagtalik sa kanya. Mula sa dugo, ginawa ni Gaia ang mga Erinyes, mga Higante, at mga Meliae. Mula naman sa bayag ni Urano umusbong si Aphrodite.[21]

Samantala, nagkaroon din ng anak si Gaia sa isa pang niyang anak na si Pontus: sina Nereus, Thaumas, Phorcys, Ceto, at Eurybia.[22]

Nang malaman ni Cronus na nakatadhana siyang patalsikin ng isa sa kanyang mga anak, nilunok niya ang mga anak niya kay Rhea, na kapatid niya. Gayunpaman, nang dinadala ni Rhea sa sinapupunan si Zeus, nanghingi siya ng tulong mula kina Gaia at Urano. Matapos niyang maipanganak si Zeus, binigyan ni Rhea si Cronus ng batong nagmula kay Gaia na pinuluputan ng tela upang magmukhang sanggol; tinanggap ito ni Cronus at nilunok, kaya nakaligtas si Zeus at inalagaan ni Rhea.[23]

Sa tulong ng mga payo ni Gaia, nagapi ni Zeus ang mga Titan.[23] Gayunpaman, ipinanganak naman ni Gaia si Typhon mula kay Tartarus, ang pinakahuling katunggali ni Zeus sa trono.[24]

  1. Ayon sa Teogoniya ni Hesiod,[1] sinundan nina Gaia, Tartaro at Eros si Chaos, pero hindi nito direktang sinasabi na nagmula sila kay Chaos. Ayon kay Timothy Gantz: (isinalin mula Ingles) "para sa tatlong nilalang na ito—Gaia, Tartaros, at Eros—dapat nating bigyang-diin na hindi sinabi ni Hesiod na "nagmula" sila kay Chaos (iba sa "sinundan"), kahit na madalas ganito ang ipinagpapalagay."[2].
  2. /ˈgaja/; Bigkas sa Ingles: [ˈɡeɪə, ˈɡaɪə]; Sinaunang Griyego: Γαῖα
  3. /'gaea/; Bigkas sa Ingles: [ˈdʒiːə]
  4. Orihinal na sipi: She lay with Heaven and bore deep-swirling Oceanus, Coeus and Crius and Hyperion and Iapetus, Theia and Rhea, Themis, and Mnemosyne and gold-crowned Phoebe and lovely Tethys. After them was born Cronos (Cronus) the wily, youngest, and most terrible of her children, and he hated his lusty sire.[18]
  1. Hesiod 1914
  2. Gantz 1996
  3. Harper, Douglas. "Gaia". Online Etymology Dictionary (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2 Oktubre 2025.
  4. Beekes, Robert S. P. (2009). van Beek, Lucien (pat.). Etymological Dictionary of Greek [Diksiyonaryong Pang-etimolohiya ng Griyego] (sa wikang Ingles). Brill. ISBN 9789004174184. ISSN 1574-3586 – sa pamamagitan ni/ng Internet Archive.
  5. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 West 2007, p. 174
  6. "gea". Diccionario de la lengua española (sa wikang Kastila). Real Academia Española. 2024. Nakuha noong 2 Oktubre 2025.
  7. 8.0 8.1 8.2 Hard 2004, p. 32
  8. Farnell 2010, p. 5–6
  9. Nilsson 1967, p. 456–457
  10. West 2007, p. 178
  11. 12.0 12.1 Farnell 2010
  12. Farnell 2004, p. 25–26
  13. Nilsson 1967, p. 450
  14. 15.0 15.1 Hard 2004, p. 23
  15. Hesiod 1914, p. 126–128
  16. Hesiod 1914, p. 134–138
  17. Apollodorus 1921, 1.1.2
  18. Apollodorus 1921, 1.1.1
  19. Hesiod 1914, p. 154–200
  20. Gantz 1996, p. 16
  21. 23.0 23.1 Hard 2004, p. 68
  22. Gantz 1996, p. 48
  23. Ayon sa Teogoniya ni Hesiod, maliban kung nakasaad.
  24. Gantz 1996, p. 74: nagmula si Hephaestus mula kina Hera at Zeus ayon sa Iliad.
  25. Gantz 1996, p. 74: nagmula lamang kay Hera si Hephaestus nang walang tatay ayon sa Teogoniya.
  26. Gantz 1996: si Athena ang unang nabuo pero pinakahuling ipinanganak. Binuntis ni Zeus si Metis at nilunok. Ipinanganak ni Zeus si Athena "mula sa kanyang ulo".
  27. Gantz 1996, p. 100: Literal na nagmula sa bayag ni Urano si Aphrodite ayon sa Teogoniya.
  28. Gantz 1996, p. 100: Ayon sa Iliad, si Aphrodite ang anak nina Zeus at Dione.
  • Apollodorus (1921). Apollodorus, The Library [Apollodorus, Ang Aklatan] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Frazer, James George. Harvard University Press & William Heinemann Ltd. – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
  • Burkert, Walter (1985). Greek Religion [Relihiyong Griyego] (sa wikang Ingles). Harvard University Press. ISBN 0-674-36281-0 – sa pamamagitan ni/ng The Internet Archive.
  • Caldwell, Richard (1987). Hesiod's Theogony [Teogoniya ni Hesiod] (sa wikang Ingles). Focus Publishing & R. Pullins Company. ISBN 978-0-941051-00-2.
  • Diels, Hermann Alexander (1912). Die Fragmente der Vorsokratiker [Ang mga Piraso ng mga Presokratiko] (sa wikang Aleman). Bol. 2. Berlin: Weidmann – sa pamamagitan ni/ng Internet Archive.
  • Dionisio ng Halikarnaso (1937). Roman Antiquities [Mga Antigong Romano] (sa wikang Ingles). Bol. 1. Sinalin ni Cary, Earnest. Cambridge, Amerika: Harvard University Press – sa pamamagitan ni/ng Loeb Classics.
  • Fontenrose, Joseph (1980) [1959]. Python: A Study of Delphic Myth and its Origins [Piton: Pag-aaral sa Mitong Delpiko at ang mga Pinagmulan nito] (sa wikang Ingles). Berkeley, Amerika: University of California Press.
  • Fowler, R. L. (2013). Early Greek Mythography [Sinaunang Mitograpiyang Griyego] (sa wikang Ingles). Bol. 2. Oxford University Press. ISBN 978-0198147411.
  • Gantz, Timothy (1996). Early Greek Myth: A Guide to Literary and Artistic Sources [Maagang Mitong Griyego: Gabay sa mga Mapagkukunang Pampanitikan at Pansining] (sa wikang Ingles). Johns Hopkins University Press.
  • Hammond, N.G.L.; Scullard, Howard Hayes, mga pat. (1992). The Oxford Classical Dictionary (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Oxford University Press. ISBN 0-19-869117-3.
  • Hard, Robin (2004). The Routledge Handbook of Greek Mythology [Anf Handbook ng Routledge sa Mitolohiyang Griyego] (sa wikang Ingles). Psychology Press. ISBN 9780415186360 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
  • Hesiod (1914). Theogony [Teogoniya]. The Homeric Hymns and Homerica (sa wikang Ingles). Sinalin ni Evelyn-White, Hugh G. Cambridge, US at London, UK: Harvard University Press at William Heinemann Ltd. – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
  • Homer (1924). Iliad (sa wikang Ingles). Sinalin ni Murray, A. T. Cambridge, US at London, UK: Harvard University Press at William Heinemann – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
    • — (1920). Homeri Opera (sa wikang Ingles). Oxford, UK: Oxford University Press.
  • Gaius Julius Hyginus (1960). "De Astronomica" [Ukol sa Astronomiya]. Mula sa Grant, Mary A. (pat.). The Myths of Hyginus [Mga Mito ni Hyginus] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Grant, Mary A. Lawrence, US: University of Kansas Press – sa pamamagitan ni/ng ToposText.
  • Kerenyi, Karl (1951). The Gods of the Greeks [Ang mga Diyos ng mga Griyego] (sa wikang Ingles). London: Thames & Hudson.
  • Liddell, Henry George; Scott, Robert (1940) [1846]. Jones, Henry Stuart (pat.). A Greek-English Lexicon [Leksikong Griyego-Ingles] (sa wikang Ingles). Clarendon Press – sa pamamagitan ni/ng Perseus Online Library.
  • Olivieri, Alexander (1897). Pseudo-Eratosthenis: Catasterismi (sa wikang Latin). Leipzig, Austria: Teubner – sa pamamagitan ni/ng Internet Archive.
  • Ovid (1959). Fasti (sa wikang Ingles). Sinalin ni Frazer, James George. London, UK at Cambridge, US: W. Heinemann Ltd. at Harvard University Press – sa pamamagitan ni/ng Internet Archive.
  • Nilsson, Martin Persson (1967). Geschichte der griechischen Religion [Kasaysayan ng Griyegong Relihiyon] (sa wikang Aleman). München Beck – sa pamamagitan ni/ng Internet Archive.
  • Pausanias (1918). Description of Greece [Paglalarawan sa Gresya] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Jones, W.H.S.; Ormerod, H.A. Cambridge, US at London, UK: Harvard University Press at William Heinemann Ltd. – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
  • Pindar (1990). Odes [Mga Oda] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Svarlien, Diane Arnson – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
  • Ruck, Carl A.P.; Staples, Danny (1994). The World of Classical Myth [Ang Mundo ng Klasikong Mito] (sa wikang Ingles).
  • Smith, William (1873). Dictionary of Greek and Roman Biography and Mythology [Diksiyonaryo ng Biograpiya at Mitolohiyang Griyego at Romano] (sa wikang Ingles). London – sa pamamagitan ni/ng Perseus Online Library.{{cite book}}: CS1 maint: location missing publisher (link)
  • Tripp, Edward (Hunyo 1970). Crowell's Handbook of Classical Mythology [Handbook ng Crowell sa Klasikong Mitolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-1 (na) labas). ISBN 069022608X.
  • Virgil (Oktubre 1997). The Aeneid (sa wikang Ingles). Sinalin ni Dryden, John. Penguin. ISBN 0140446273 – sa pamamagitan ni/ng Perseus Digital Library.
  • West, M.L. (2007). Indo-European Poetry and Myth (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. ISBN 9780199280759.
[baguhin | baguhin ang wikitext]